Ang mga kuwento dito ay hindi lamang kuwento ng buhay ko. Ang mga ito'y kuwento ng buhay ng mga kaibigan, katrabaho, katunggali, kakilala... at mga kuwentong kathang-isip lamang. Naisipan ko lang isulat tutal nama'y noon pa ay pangarap ko nang maging manunulat. Sa kasamaang palad ay hindi ito natupad, hindi siguro para sa 'kin. Nakailang beses din akong nagpasa ng mga kuwento at nobela pero hindi pinalad. Hindi bale, malaya pa rin naman akong magsulat... may magbabasa man o wala.


Blog Archive

Saturday, October 30, 2010

sina Jaime at Jewel


Hindi pa rin ako maka-get over sa kuwentong pag-ibig nina Jaime at Jewel sa teleseryeng Kristine Series sa panulat ni Martha Cecilia. Naisip ko dahil siguro noon ko pa ito nabasa at tumatak talaga sa isipan ko ang kuwento nila. Akalain mo taong 1996 o 1997 ko pa yata nabasa ito, nasa hay skul pa lang ako. Wala pa akong masyadong alam tungkol sa mga lalaki lalo naman na ang tungkol sa pag-ibig. Naalala ko, nung mga panahong 'yun bumuo rin ako ng love story ko. 

Natatawa tuloy si Daye sa 'ken, isang katrabaho at kaibigan. Ayon sa kanya, mas cheesy pa daw ako ngayon kaysa sa kanya. Hindi daw siya sanay. Hindi daw bagay sa 'ken. Natawa lang ako. Totoo naman kasi. Hindi ako romantikong tao. 

Pero minsan dumarating sa 'tin ang maghanap ng ibang mapaglilibangan... yung magaan lang sa bulsa, hindi kailangan ng maraming oras o magpakalayu-layo, at hindi kailangan ng kasama. Tulad ng panonood. At madalas tungkol sa pamilya at pag-ibig ang topiko ng mga programa at teleserye, di ba?

At minsan, aminin man natin o hindi, kahit korni, cheesy o kahit anong tawag mo pa, kinikilig din tayo. At bumabalik sa mga isipan natin ang mga dating nakarelasyon, dating relasyon, kuwentong pag-ibig ng mga kaibigan at kung anu-ano pang may kinalaman sa pag-ibig. 

Sa akin, ang unang naiisip ko ay ang kuwento nina Jaime at Jewel. Lalo na ngayon na nasa telebisyon na. 

Sabi ko kailangang may maisulat ako tungkol dito. Ah oo nga pala. May naisulat na ako tungkol dito (sa post ko na may pamagat na 'teleserye at komento') kaya lang ay medyo negatibo. Gusto ko ang isusulat ko ngayon ay tungkol talaga sa kuwento nila. Yung positibo naman.

Narito ang buod ng kuwento nina Jaime at Jewel...

Dalawampung taon na ang nakaraan, sa bayan ng Paso de Blas ay nagsimula ang awayan ng pamilya Fortalejo at de Silva. Dahil ito sa pagtanggi ni Romano, ang panganay na anak nina Don Leon Fortalejo at Donya Kristine Esmeralda Fortalejo na maikasal kay Alicia, ang panganay naman ng mag-asawang Ernesto at Julia de Silva, na noo'y buntis na. Noong mga panahong iyon nasa apat o limang taong gulang pa lamang si Marco, ang kapatid ni Alicia. Hindi si Romano ang ama ng ipinagbubuntis ni Alicia kundi ang don na nagawang magtaksil dahil sa pang-aakit ni Alicia.

Si Romano naman ay nagmahal sa isang simpleng babae, si Ana. Tumakas ito mula sa ama para panagutan at pakasalan si Ana. Dahil dito'y itinakwil siya ng ama.

Dahil sa kahihiyang natamo ng pamilya de Silva, nagsimula ng away si Ernesto. Ngunit sa kasamaang palad, napatay ito ni Don Leon. At dahil dito ay nagsimulang gumanti ang pamilya de Silva. Pinatay ni Alfon, isang malayong kamag-anak, ang asawa ng don, si Esmeralda. Ngunit sa pangalawang pagkakataon ay namatayan ang pamilya de Silva, si Alicia.

Ito ang naging dahilan ng awayang de Silva at Fortalejo na umabot ng dalawang dekada. Ginawa lahat ni don Leon sa abot ng kanyang makakaya upang maging hari sa bayan ng Paso de Blas at kamkamin ang lahat ng ari-arian ng mga de Silva. 

Nagkaroon ng dalawang anak sina Romano at Ana, sina Emerald at Jewel. Pagkaraan ng dalawang dekada lumaki ang mga ito na magaganda. Sa kabilang banda si Marco na rin ang nag-aasikaso sa mga iilang negosyong natira sa mga de Silva. Pero sino naman si Jaime? Sasagutin ko mamaya.

Kinailangan ng magkapatid na Jewel at Emerald na pumunta sa bayan ng kanilang lolo pagkatapos mamatay ang kanilang ama at mabaon sila sa utang dahil sa gastos sa hospital. Hindi man gusto ng ina nilang si Ana, wala itong nagawa noong tumakas ang magkapatid patungong Paso de Blas.

Naunang umalis si Emerald. Pero nabihag siya ni Marco at dinala sa bahay nito. Dahil dito sumunod si Jewel, upang tiyaking nasa kaligtasan ang kanyang ate. Alam nito na hindi dapat mag-krus ang landas ng mga de Silva at Fortalejo, kahit nasa iisang bayan pa sila. Kapahamakan ang dala nito. Bawal tumapak sa lupain ng mga de Silva ang mga Fortalejo, ganoon din sa kabilang kampo.

Pagdating ni Jewel sa mansiyon ng mga Fortalejo, hindi ito agad tinanggap ng kanyang lolo. At sa kasamaang palad ay hindi nakarating ang kanyang ate sa mansyon. Noon niya nalaman na bihag pala ito ni Marco de Silva. 

Sa paghahanap niya sa kanyang ate at sa kagustuhang makapasok sa lupain ng mga de Silva na hindi siya makikilala bilang Fortalejo, nakilala niya si Jaime Reyes, tubong Negros na napadpad sa Paso de Blas upang maging trabahador. Nagpanggap silang mag-asawa kahit na noong umpisa ay para silang mga aso't pusa na laging nag-babangayan at nag-aaway.

Hindi naglaon naging kampante na rin sila sa isa't isa. Sa katunayan, mukhang may namumuo nang pag-ibig sa pagitan ng dalawa. Pero sa isipan ni Jewel ay hindi ito maaari. Kailangan muna niyang makita ang kanyang kapatid at masiguro ang kaligtasan nito. 

Hindi naglaon ay nagkita-kita rin sila. Noong mga panahong iyon ay nagkakamabutihan na sina Marco at Emerald. Pero sa kasamahang palad, nakulong si Emerald dahil sa kasalanang ibinibintang sa kanya. Pinatay raw umano niya si Cesar Zaragosa, ang may-ari ng isang asukarera na gustong bilhin ng mga de Silva. 

Para matulungan ang kanyang ate, pumasok siya bilang katulong sa mansiyon ng mga Fortalejo, kapalit ng pagtulong ng kanyang lolo upang mapalaya ang kanyang ate. Dahil hindi pa sila tanggap ng don, sumang-ayon ito sa kagustuhan ni Jewel at siya'y magsisilbi sa bahay hanggat hindi siya pinapalaya ng don.

Noon nagtapat si Jaime ng pag-ibig kay Jewel at sumama rito at nagtrabaho bilang drayber ng mga Fortalejo na di naglaon ay tinanggap din ni Jewel. Nakalaya nga ang kanyang ate ngunit nabaling sa ina ni Marco ang bintang. Kapalit ng mas magandang kulungan (house arrest) na hiniling ni Julia sa don ay ang pakikipaghiwalay ni Marco kay Emerald. Alam ni Marco na walang kasalanan ang kanyang ina at ang totoong nagpapatay dito ay si Margarita, anak mismo ng don. Nahati ang puso niya pero wala siyang magawa kundi ang sundin ang kanyang ina. Dahil dito ay nagalit ang dalagang Fortalejo at isinumpang hindi na kailanman niya mamahalin ang isang Marco de Silva. 

Dahilan nito upang silang magkapatid ay pareho nang manirahan sa bahay ng mga Fortalejo. Unti-unti ay napalambot nila ang kalooban ng kanilang lolo at sila'y tinanggap. Ngunit hindi tinanggap ng don ang pag-iibigan nina Jewel at Jaime. Ipinapakasal nito si Jewel kay Lance Navarro dahilan upang magtanan ang dalawa. 


Sa kabilang banda ay hindi pa rin makuntento si Julia. Gusto nitong makalaya lalo at nanganganib ang kanyang buhay dahil gusto siyang ipapatay ng asawa ni Cesar Zaragosa. Nakipag-usap siyang muli kay don Leon at sinabing buhay ang anak ni Alicia na anak ng don. Kapalit ng pagsabi ni Julia kung sino at nasaan ang anak ni Alicia ay ang pagbalik ng don ng mga ari-arian niya pati na rin ang kalayaan niya. 

At sino ang anak ni Alicia at don Leon? Si Bernard de Silva Fortalejo o ang nakilala nating si Jaime. Noong namatay si Alicia ibinigay ni Julia ang bata sa yaya nila upang itago. Pinalabas nitong namatay rin ito kasabay ni Alicia upang hindi na hanapin ng don. 

Pinahanap ng don ang magkasintahan bago pa man makalayo ang dawala sa Paso de Blas. At noon niya ipinagtapat kay Jewel kung sino si Jaime at kung bakit hindi sila maaaring magkatuluyan.

Tragic? Hindi naman. Dahil nalaman din naman na hindi tunay na Fortalejo si Jewel. Anak ito ng kapatid ni Ana na gaya ni Alicia ay namatay sa panganganak. Pero nalaman na lang ng lahat pagkatapos madisgrasya at magka-amnesia si Jewel. 

Ilang mga pagsubok pa ang pinagdaanan ng dalawa. Pero sa bandang huli ang pag-ibig din nila sa isa't isa ang nanaig....

Narito ang video (galing sa youtube) ng isa sa mga nakakakilig na eksena nina Jaime at Jewel:




Nakakakilig di ba? ^_^

No comments:

Post a Comment