Araw ng mga patay na naman. Sayang, hindi ako makakauwi kase may trabaho ako. Hindi bale, maiintindihan naman siguro ako ng tatay at mga kamag-anak kong pumanaw na kung hindi ako makakadalaw sa mga puntod nila.
Naalala ko nung kabataan ko - hay skul. Marami kaming kalokohan ng mga barkada ko, lalo na pagdating ng araw ng mga patay. Nariyang manguha kami ng mga prutas sa kapitbahay namen... ng walang paalam o di naman ay tumambay sa sementeryo... buong magdamag. At tungkol dito ang kuwento ko ngayon tutal at ilang araw na lang ay araw ng mga patay na.
"Mambiktima tayo", sabi ko sa tatlo kong kaibigan, sina Andy, Ryan at Dei (mga hindi totoong pangalan)
"Biktimang ano?", tanong-sagot ni Dei. "Ano na naman 'yan?", dagdag pa niya.
"G*g* ka, 'wag yun", sabad naman ng Ryan.
Ngumisi lang ako saka nilibot ng mata ko ang paligid ng sementeryo, naghahanap kung may kakilala sa mga iilang taong naiwan sa sementeryo. Siguro bandang alas-onse na 'yon.
"Huy, ano 'yan? 'Wag na uy! Natatakot ako", sabi ni Andy.
"Kaw naman, parang ngayon mo lang gagawin 'to", sagot ko. "Ilang beses na naten to ginawa eh". Muli tiningnan ko ang mga tao. Saka ko napansin ang tatlong kabataan, isang lalaki kasama ang malamang ay nobya dahil magkahawak sa kamay at isang pang babae na malamang ay kunsintidorang kaibigan ng mga ito. Sina Rex, Maan at Leah (hindi rin nila totoong pangalan). 'Dito pa nag-date', naisip ko.
Nauna na akong lumapit sa mga ito, sumunod naman ang mga kaibigan ko, kahit hindi na mapakali si Andy. Matatakutin lang talaga kase... pero mas takot yata sa 'ken (haha!)
"Hoy, dito pa kayo nag-date ah!", sabi ko sa kanila. "At kaw naman nag-chaperon ka pa. Sumbong ko kaya kayo sa mga nanay niyo".
"Ate naman 'wag", sagot ng Rex. "Kaw talaga. Kayo nga eh andito pa eh. Naghihintay kayo date niyo no? O baka naman ininjan na kayo?", tawa nito.
"Ulul!. Sumasagot ka pa. Sige, para di namen kayo isumbong, may gagawin tayo", sagot ko.
"Wag kayong papayag!", sabad ni Andy... na tiningnan ko ng masama (natakot yata, hindi na umimik pagkatapos).
"Ano na naman 'yan?", tanong nila.
"Kuring kuring", sagot ko.
"Ha? Ano 'yun? Sinong susulatan naten? Mga puntod?", tanong pa nila (ang kuring kase ay ilokano ng pagsulat na hindi mabasa).
"Tanga, hinde. Laro 'yun, nakakatakot na laro", sagot naman ni Ryan.
"Naku ayoko, nakakatakot pala eh", sagot ni Maan, ang nobya ni Rex.
"Sige, isumbong namin kayo. Mas matakot ka sa tatay at nanay mo", sagot ko naman.
"O sige, sige. Ano 'yan? Multo? Hindi naman ako naniniwala diyan eh", pagtatapang-tapangan naman ni Rex na nakakuha ng irap mula kay Maan.
"Tapang! Eh di umpisahan na naten", sabad naman ni Dei, ang pinakamatapang sa aming lahat.
"Ano ba kase 'yan? Baka mapahamak tayo", sabi ni Maan sabay kapit sa braso ni Rex na mukhang nag-eenjoy naman sa paghawak ng mahigpit ng nobya sa kanya. Naawa lang ko dun sa isa, kay Leah kase wala na ngang date 'tas mukhang takut na takot pa.
"Umuwi na ang may ayaw. Puwera 'kaw Rex kase mukhang matapang ka naman, ituloy mo na", sabi ko. Ang kaso natakot din naman umuwi sina Andy at Leah dahil ayaw maglakad sa gitna ng sementeryo na silang dalawa lang. Si Maan naman ay ayaw siyempreng iwan ang nobyo.
"O eh di umpisahan na", si Ryan. At saka ko sinabi kung ano ang gagawin namen.
"Eto ang mechanics ha? Huwag kayong matakot kase hanggat magkakahawak ang mga kamay naten hindi tayo maaano, walang mangyayaring masama sa 'ten. Kaya bawal ang humiwalay, hawak kamay lang. At bawal idilat ang mga mata, pikit lang ng mariin. Kung hindi baka saniban ka ng kaluluwa", seryosong sabi ko.
"Ano? Sasaniban?", gulat na tanong ni Rex, mukhang namutla pa sa takot. "Huy, totoo ba 'yan?".
"Totoo kaya makinig kang mabuti!", sagot ko. "O, wala ng back out, ako mapapahamak kase ako ang masasaniban, kawawa naman ako pag nagalit sa 'ken yung multo", dagdag ko pa.
"Ano ba 'yan, natatakot na ako", sabi nina Maan at Leah, nakasimangot naman si Andy.
"Basta hindi kayo dapat magkahiwa-hiwalay, hawak kamay lang at bawal dumilat kung ayaw niyo mapahamak", sagot ko. "O sige na puwesto na. Ryan, kuha ka na ng kandila at ilagay mo sa bawat sulok naten".
At pumuwesto na nga kami, sa may malaki-laking puntod, mga magkakamag-anak sigurado ang mga nakalibing dahil dikit-dikit ang mga ito. Malayu-layo kame sa mga iilan nang nasa sementeryo pa (ang iba ay busy sa kani-kanilang date kaya mga walang pakialam sa iba). Kumuha naman si Ryan ng mga kandila, nakahanap ng mga hindi naupos at inilagay sa bawat sulok ng puntod at isa sa gitna namen habang nakapuwesto kame ng pabilog.
"Manonood na lang ako", sabi ni Leah, mukhang di pa ag-uumpisa ay takut na takot na.
Ngumisi ako, sabay sabing "gusto mo 'kaw saniban?"
"Ay ganun ba... sige sali na ako", atubili pa rin nitong sagot.
Tumingin ako sa magnobyo, mga mukhang takot rin, hindi nga lang makapag-back out.
Sa isang tabi ko ay si Dei na katabi naman ni Ryan na katabi nito si Andy. Sa kabila, katabi ko si Rex na katabi siyempre si Maan na katabi si Leah na katabi si Andy (kuha? hehe)
"Pag nagtanong 'yung kaluluwa, sumagot kayo ha? O sige umpisa na, hawak kamay", sabi ko sabay hawak sa kamay ni Rex at Dei, na sinundan naman nila. "Pikit na", dagdag ko.
Pumikit naman sila... sina Rex, Maan at Leah, Pero kaming apat ay nanatiling dilat, nagkatininginan at nagngitian. Maliban na lang kay Andy na mukhang bad trip na sa 'men, lalo na sa 'ken.
"Kuring-kuring....", sabi ko. "Kuring-kuring...." nakailang beses kong inulit hanggang sa paunti-unti ay nanginginig na ang boses ko... boses na nakakatakot. Humigpit ang hawak sa 'ken ni Rex, halos mabali yata ang mga daliri ko sa higpit. Ganun din sina Maan at Leah. Lalo yata tuloy nagalit sa 'ken si Andy dahil sa sakit ng pagkahawak ng kamay ni Leah sa kanya. Napangisi lang ako sabay belat kay Andy.
Tumayo naman sina Ryan at Dei, dahan dahan lang, baka makahalata ang tatlo.
"Sino kayo?", sabi ko... sa nanginginig pa rin na boses. "Kaw lalaki, sino ka?", dagdag ko. "Bakit ka nakahawak sa 'kin. Bitawan mo ako!", sabay hila sa kamay ko. Mukhang masunurin naman si Rex, hindi niya binitawan ang kamay ko, lalo pa ngang hinigpitan. Napangiwi naman ako sa sakit, lalo at may singsing akong suot.
Kaso hindi sumagot kaya inulit ko. "Sino ka?", ulit ko, mas malakas na ang boses.
"Rex po", nanginginig na sagot nito, halos mabali ang leeg sa pagyuko. Tiningnan ko ang mukha, mariin ang pagkakapikit ng mga mata. Napangiti ako.
"Sino ang nobya mo?", tanong ko ulit.
"Si Maan po", sagot niya.
"Eh bakit ang balita ko ay nililigawan mo rin si Samantha ?" (hindi rin tunay na pangalan), sabi ko.
"Naku hindi po!", sagot naman nito agad, mukhang defensive. Noon napangiti si Andy. Sa isip-isip ko, sa sobrang takot kahit non-sense na tanong sinasagot. Malay ba naman ng multo kung sino siya.
"Ikaw babae, ikaw ba si Maan?", ako ulit.
"Ha? Opo ako nga po", sagot naman nito. Mukhang hindi kasing takot ni Rex pero mariin ring nakapikit.
"At naniniwala ka naman dito?", tanong ko. Hindi umimik, sumimangot pa yata.
Si Ryan naman at Dei nagsimula na. Hinawakan ang mga braso nila... leeg... yung magaan lang. Mukha naman silang natakot dahil napayuko silang lahat. O di kaya'y hihinga sa may tainga nila para akalain nila ay may katabi silang "iba". Akala ko nga ay hihimatayin na si Leah sa nerbiyos dahil nanlalamig na daw nung hinawakan ni Ryan ang kamay.
Hinipan ni Dei ang pisngi ni Rex na lalo pang yumuko. Pinaka-enjoy takutin si Rex kase siya ang mukhang pinakatakut na takot. Sayang kulang mga gamit namen. Wala kaming pabango ng matatanda na ipapaamoy sa mga biktima... o di kaya pinto o bintana na kunwari'y biglang magsasara....
"Ikaw naman Leah di ba may gusto ka rin kay Rex? Ba't chaperon ka lang ngayon?", baling ko kay Leah na hindi naman nakahalata sa sobrang takot.
"Ho? Hindi ho!", sagot nito. Siyempre gawa gawa ko na lang 'yun. Wala na akong maisip na tanungin sa kanila eh. Para lang magtagal pa ang laro. Sige lang sa pananakot sina Dei at Ryan.
"Kunwari ka pa..", sagot ko. Mukhang galit na si Maan kase nag-iba ng puwesto, pero hindi bumitaw sa mga katabi.
Inulit ko ulit ang pagsabi ng "kuring-kuring" sa mas malakas na boses at sinubukan ko ulit bitawan si Rex pero ayaw talagang bumitaw. Sinubukan ring bitawan ni Andy si Leah, pero hinigpitan din ang hawak sa kanya.
Napahagikhik si Andy pero sinuway ko naman agad. Kaso mukhang nakahalata na si Maan, idinilat ng dahan dahan ang mga mata.
"Hoy! Ba't kayo nandiyan?", tanong nito kina Ryan at Dei, na abala kina Leah at Rex. "Sinasabi ko na nga ba!"
Nagkatinginan kami saka napabunghalit sa tawa. Dumilat naman na ang dalawa.
"T**n*, kala ko na totoo. Nagmukha naman kaming tanga nun!", sabi ni Rex, mukhang naiinis na natatawa rin. "Mga g*g* kayo ah!", dagdag pa nito.
"Eh kase mga utu-uto kayo", sagot ni Ryan. At muli kaming nagkatawanan. "Huuu... ang bilis mong sumagot sa mga tanong ah", kantiyaw nito kay Rex.
"Sira!", sagot nito. "O baka naman naniwala ka sa mga 'to sa mga pinagsasasabi?", baling niya sa nobya.
"Aba! Malay!", sagot nito.
"Tingnan niyo ginawa niyo. Kayo talaga!", sisi nito sa 'men. Natawa lang kami.
"Nakakatawa nga kayo eh! Sobrang sakit na ng kamay ko sa higpit ng hawak mo, Rex! Tsaka wala talaga gusto senyo humiwalay", tawa ko.
"Todo pikit pa kamo!", sabi naman ni Dei, hindi matapus-tapos ang tawa.
"O siya, sige, gabing-gabi na. Uwian na!", sabad ni Andy at nagsitayuan na nga kami.
"Sino 'yun?", biglang tanong ni Maan, nakatingin sa mas mataas na bahagi ng sementeryo (bundok kase yung sementeryo sa 'men kaya pataas).
"Alin?", tanong namen sabay tingin sa tinitingnan ni Maan, mukhang matandang lalaki na nakasuot ng sombrero. "Ah ewan, hindi ko mamukhaan, masyado ng madilim", sagot ni Ryan.
"Tapang ah, mag-isa lang siya dun", sabi ni Dei. "Sige tara na".
"Uy! Asan na 'yun? Ba't biglang nawala?", sabi ulit ni Maan.
"Hoy! Ano ka ba? Nananakot? Gantihan ba 'to ha?", sagot ko pero hindi ko rin napigilang tumingin din. Wala na nga.
"Huy, tara na...", sabad ni Andy. "Natatakot na 'ko..."
At bumaba na nga kami habang nagkakantiyawan pa rin.
Pero bago kami makalayo ay napatingin ulit si Maan sa loob. Nagulat na lang kami nang sumigaw ito.
"Bakit?!", tanong namen sabay tingin sa loob. Noon namin napansin malapit sa may gate ang isang matandang lalaki na nakasuot ng sombrero, kapareho ng nakita namin sa loob... nakatayo lang... hindi namin makita ang mukha....
Sigaw kami sabay takbo - sa sobrang tulin ilang minuto pa lang ay nakarating na kami sa bahay nina Dei na mga sampu hanggang kinse minutos din dapat lakarin.
At yun ang pinakahuli naming laro ng "kuring-kuring".... =D
No comments:
Post a Comment