Ang mga kuwento dito ay hindi lamang kuwento ng buhay ko. Ang mga ito'y kuwento ng buhay ng mga kaibigan, katrabaho, katunggali, kakilala... at mga kuwentong kathang-isip lamang. Naisipan ko lang isulat tutal nama'y noon pa ay pangarap ko nang maging manunulat. Sa kasamaang palad ay hindi ito natupad, hindi siguro para sa 'kin. Nakailang beses din akong nagpasa ng mga kuwento at nobela pero hindi pinalad. Hindi bale, malaya pa rin naman akong magsulat... may magbabasa man o wala.


Blog Archive

Saturday, October 30, 2010

teleserye at mga komento

Kung noon ay na-adik ako sa mga Korean telenovelas, ngayon naman ay na-adik ako sa isang Pinoy teleserye. "Tangkilikin ang sariling atin" ika nga. Hango ito sa nobela na nabasa ko noong nasa hay skul pa ako. Nagtaka nga ako kung bakit ngayon lang nila nabigyang pansin ang nobelang ito eh at ngayon lang nila ginawang teleserye.  Mahilig man akong magbasa, hindi tungkol sa pamilya o romansa... maliban sa nobelang ito. Maiikling nobela lang naman ang bawat istorya. At hindi lang ito isang kuwento kundi marami. Sa katunayan limampu't tatlong nobela ito kung hindi ako nagkakamali. Hindi ko rin alam kung nabasa ko na lahat ang mga ito o hindi pa. Basta ang sigurado ako ay nabasa ko na ang kuwento ng apat na bida (dalawang kuwento ng pag-ibig - naks!).

Ang mga pangunahing bida (sa teleserye) ay sina Jaime (Bernard sa libro), Jewel, Emerald at Marco. Kuwento ito ng dalawang magkalabang angkan na umabot ang awayan ng dalawang dekada at ang masalimuot na pag-iibigan ng mga apat na bida.

Pero hindi tungkol dito ang kuwento ko ngayon kundi tungkol sa mga komentong nabasa ko habang pinapanood ko ang teleserye sa youtube. Sa gabi ang pasok ko kaya dito na lang ako nakakapanood pagdating ko sa umaga. 

Ang isang nabasa ko ay: 

Grabe! Ang guwapo talaga ni papa Marco! At ang ganda ni Emerald! Bagay sila!

*Tandaan: ang mga ito ay hindi eksaktong hango sa mga komentong nabasa ko (sa sobrang dami ay kinuha ko na lang ang importanteng mensahe).

At ito pa: Ang guwapo ni Marco at ang ganda ni Emerald. Ang galing pa nilang umarte!

Ang ganda ng buhok ni Emerald at ang ganda ng katawan ni Marco!

I love you Marco and Emerald!

Ang galing-galing nina Marco at Emerald! Kinikilig ako!

Sana katulad ni Marco maging asawa ko!

Grabe! May chemistry talaga silang dalawa! (Patungkol sa mga gumanap na Emerald at Marco)

At marami pang ibang komentong puro magaganda tungkol sa magkaparehang ito. 

Pero ang napansin ko madalang ang magandang komento tungkol sa isa pang pareha. Mas madalas nga ay masasamang komento pa. Gaya ng mga 'to:

Ano ba yan? Wala talaga silang chemistry! (Patungkol sa mga gumanap na Jaime at Jewel)

YUCK! Kadiri nung naghalikan sila!

Wala man lang akong madamang kilig kina Jaime at Jewel!

Hay naku! Hindi talaga siya marunong umarte! (Patungkol sa gumanap na Jewel)

Bakit ganun? Hindi ako kinikilig kina Jaime at Jewel! Ang boring nila! 


Magpaka-smart ka naman, Jewel! 

At maraming pang iba...

Napaisip tuloy ako... May mali ba sa 'ken? Kase kabaliktaran naman ng lahat. Para sa 'kin, hindi ko naman masyadong nagugustuhang panoorin kung eksena na nina Emerald at Marco. Hindi sa ayaw ko sa kuwento nila. Sa katunayan ang sa kanila ang isa sa mga paborito ko sa lahat ng mga nobela. Hindi rin naman dahil hindi ko sila idolo bilang mga aktor dahil kahit naman ang mga gumanap na Jaime at Jewel ay hindi ko naman iniidolo. Sa katunayan, wala akong idolong kahit sino. Hindi naman kase ako mahilig sa artista. Mahilig nga lang manood....

Pero naisip ko rin, wala naman sigurong mali sa 'kin. May kanya-kanya naman kasi tayong gusto at paniniwala. Ako, mas gusto kong panoorin ang mga eksena nina Jaime at Jewel. Mas nakakakilig para sa 'kin. Mas simple. Walang masyadong korni na linya... Pinaka-ayoko kasi 'yung mga linyang gaya ng mga ito:

Ikaw ang magiging ina ng mga anak ko.

Ako ay apoy at ikaw ay hangin na may kakayahang bumuhay at pumatay sa akin...

Everyday I have to let my feelings out kung hindi sasabog ako... 

At iba pa.

Ok. Sige. Marami ngang kinikilig kaya lang hindi ko lang talaga gusto ang mga ganung linya. Hindi ko alam kung bakit. 

Mas gusto ko ang mga simple. Gaya nito:

Ikaw ang pinakamagandang babae na nakita ko. 

O di naman kaya:

Mahal na mahal kita.

Ganun lang, tama na sa 'kin. Simple.

Pero kanya-kanya nga talaga tayo ng gusto. Naglagay nga rin ako ng komento kasi may nabasa akong humihingi ng paumanhin dahil hindi daw niya madama ang kilig kina Jaime at Jewel. Ang sabi ko:

Wag kang mag-sori kung yan ang nararamdaman mo dahil lahat naman tayo ay may kanya-kanyang gusto. Madalas sa hindi, kung ayaw mo talaga sa isang tao kahit anong gawin nito hindi mo makikita ang maganda sa kanya. Makita mo man matatabunan pa rin ng pagka-ayaw mo rito. Sa kabilang banda kung gusto mo naman ito, kahit anong pagkakamali gugustuhin mo pa rin at makakahanap ka pa rin ng rason para gustuhin siya. 

Tsaka dagdag ko pa:

Minsan 'yung kulang sa iba, tama na para sa iba... At yung ok na ok na sa 'yo, OA na OA naman para sa 'kin....

Tama ako di ba? Kaya lang naisip ko rin wala ba talaga taga-hanga sina Jaime at Jewel? Wala man lang ba silang fans club? Dahil madalang akong makakita ng magandang komento tungkol sa kanila. Pero mukhang meron naman dahil may nahanap naman akong ibang videos nila... Halos wala nga lang komento. At least ay may nag-post ng videos.


Sobrang dami ng mga magagandang komento tungkol kina Marco at Emerald. Halos pare-pareho lang naman ang mga 'to. At galing sa mga pare-parehong tao rin. Haay... 


Minsan nga nagko-komento rin ako, pero ng kung anu-ano lang. Gaya nito:


Naririnig niyo ba 'yung naririnig ko? Tunog ata yun ng tricycle... o di kaya jeep. Eh di ba nasa mansiyon sila? Haha! =D


Ay ano ba yan? Naririnig niyo ba yung mga asong tahul ng tahol? Nadi-distract tuloy ako... =)  


Nilalagyan ko pa talaga ng smiley.


Wala lang. Tingnan ko lang kung may papansin sa 'kin.... Wala.

Pero nung dumalang na ang eksena nina Marco at Emerald, dumalang na rin ang komento. 


At mukhang tinatamad na rin ang nag-a-upload dahil hindi na siya simbilis ng dati sa paglagay ng videos sa youtube. Pero noon naisip ko rin, ang galing naman at ang tiyaga ng nag-a-upload ng mga ito sa youtube. Napa-Grabe! din tuloy ako. Tiningnan ko tuloy ang channel niya... 

Tama ako. Fan nga nina Emerald at Marco!

No comments:

Post a Comment