Ang mga kuwento dito ay hindi lamang kuwento ng buhay ko. Ang mga ito'y kuwento ng buhay ng mga kaibigan, katrabaho, katunggali, kakilala... at mga kuwentong kathang-isip lamang. Naisipan ko lang isulat tutal nama'y noon pa ay pangarap ko nang maging manunulat. Sa kasamaang palad ay hindi ito natupad, hindi siguro para sa 'kin. Nakailang beses din akong nagpasa ng mga kuwento at nobela pero hindi pinalad. Hindi bale, malaya pa rin naman akong magsulat... may magbabasa man o wala.


Blog Archive

Saturday, October 30, 2010

koreana

1782, Joseon (Korea)

"Annyonghi jumushipshiyo, ommonim. Mauuna na po akong pumasok sa aking chimsil", sa mahinang tinig ay paalam ni Hwang Hyun-Ae sa kanyang ina. Bago tuluyang umalis ay bahagya itong yumukod at dahan-dahang pumasok na kanyang silid. 

"Huwag mong kalimutang isara ang mga bintana sa iyong kuwarto", pahabol ng kanyang ina. 

"Araseumnida, omonim", pagsang-ayong sagot niya. At itinuloy na nga ang pagpasok sa silid. 

Inuna niyang isinara ang mga bintana ng kanyang silid. Baka makalimutan na naman niya gaya ng nangyari kagabi. Kagabi kasi'y dumalaw sa kanya si Wang Shin, ang kanyang kababata at kaibigang lalaki. Ngunit palihim lamang dahil hindi sang-ayon ang kanyang ama sa pakikipagkaibigan niya rito. Para sa kanyang ama hindi marangal para sa isang babae ang makipag-usap sa kung sinu-sinong lalaki. 

"Pero hindi kung sinu-sino lang si Wang Shin, aboji", naalala niyang sagot niya sa kanyang ama minsang pagalitan siya nito nang malaman nitong dumalaw sa kanya ang binata. "Galing siya sa mabuting pamilya, isang mabuti at mabait na tao. Masunurin, mapagmahal sa magulang... at nag-aaral sa bayan... sa isang magandang eskuwelahan".

"Alam kong galing siya sa magandang pamilya", sagot ng kanyang ama. "Hindi lang maganda kundi kahit papaano'y may kayamanan din sila. At doon ako natatakot, baka kung ano ang isipin ng kanyang mga magulang kapag nalamang nakikipag-kaibigan ka sa anak nila".

"Pero ama, ang paniniwala ko ay hindi sila ganoon dahil si Wang Shin ay -"

"Tumahimik ka na!" sigaw ng kanyang ama. Madalang itong magalit, hindi basta-basta umiinit ang ulo. Nakaramdam siya ng takot dahil ngayon lang niya ulit naranasang masigawan ng kanyang ama. 

'Si Wang Shin ay pinalaki nilang mabuting tao', gusto sana niyang sabihin pero hindi na itinuloy. Bagkus siya ay tumahimik na lang. Hindi niya gustong magkasamaan sila ng loob ng ama.

Paminsan-minsan palihim itong pumupunta sa bahay nila, sa kanyang kuwarto. Layu-layo ang mga kabahayan sa kanilang lugar kaya malayong may makakita sa kanila. Kakatok ito ng mahina saka siya tatayo upang pagbuksan ng bintana. Hindi niya bubuksan ang ilaw, baka makahalata ang kanyang ama at ina.

"Kaibigan, mabuti't dinalaw mo akong muli", pagbati niya rito.

"Siyempre ay hindi kita makakalimutang dalawin kapag ganitong ako ay nasa bakasyon mula sa eskuwelahan", sagot naman nito.

"Kumusta ang iyong pagpapaka-dalubhasa?", tanong niya. "Saglit, may dala ka ba para sa akin?"

"Mabuti naman, minsan ay nawawalan ng gana. Gusto ko lang sanang mamasyal pero hindi maaari dahil kailangang mag-aral. Para akong preso kapag nasa eskuwelahan. Gusto ko sanang makapaglibot man lang", sagot ng binata habang palakad-lakad sa loob ng kuwarto. 

"Huwag kang mag-biro ng ganyan Wang Shin", daing ni Hyun-Ae. "Mabuti nga at ikaw ay may karapatang mag-aral samantalang ako...", patuloy niya.

Napatingin ang binata rito. Napangiti. 

"Huwag ka ng malungkot. May regalo ulit ako sa 'yo", at ibinigay niya rito ang isang maliit na kwaderno kung saan nakasulat ang kanyang mga pinag-aralan sa eskuwelahan. 

"Ginawan kita, tig-isa tayo. Alam kong magugustuhan mo", sabi pa. 

Umaliwalas ang mukha ni Hyun-Ae. "Salamat! Napakagandang regalo nito. At salamat ulit sa pagturo mo sa akin kung paano ang magbasa at magsulat".

Saglit pa'y binabasa na niya ang mga nakasulat dito. Halos makalimutan na niyang nasa harap lang niya ang kaibigan, matamang nakatingin lang sa kanya. Naliligayahan sa nakikitang tuwa ng kanyang pinakamamahal. Sayang at hindi pa niya masabi ang pag-ibig niya rito. 

"Gusto kong pumasok sa inyong paaralan", bigla ay sabi ni Hyun-Ae.

"Ikaw naman ang nagbibiro ngayon", sagot ng binata. "Alam mong hindi pinapayagan ang mga babaeng mag-aral. Pupugutan ka ng ulo", dagdag pa nito.

"Pero hindi nila malalaman. Magpapanggap akong isang lalaki", seryosong sagot niya. "Hindi ako nagbibiro Wang Shin".

Nhakita ni Wang Shin na seryoso nga ang dalaga. Kinabahan siya. Alam niyang tototohanin ni Hyun-Ae ang sinasabi nito. Palaban si Hyun-Ae, maprinsipyo. Nakailang beses na ba nitong sinuway ang ama kapag may gustong gawin lalo na kung sa tingin niya'y wala namang masama o di kaya'y iba sa kanyang paniniwala?

"Bakit hindi maaaring mag-aral at magpakadalubhasa ang mga babae? Kami ay nilalang din ng Diyos, dapat ay may laya rin kaming gawin ang mga bagay na gusto naming gawin... gaya ng pag-aaral", dagdag pa nito. "Kaya papasok ako sa eskuwelahan mo, Wang Shin, bilang isang lalaki".

At wala ngang nagawa si Wang Shin. Itinuloy ni Hyun-Ae ang balak. Sa sumunod na luwas ng binata sa bayan kasama na niya ni Hyun-Ae na tumakas mula sa kanyang mga magulang. Nakasuot ito ng panlalaki na kinupit mula sa nakababata nitong kapatid. 

Nakapasok siya ngunit hindi naging madali. Ilang beses na rin siyang muntikang nahuli. Buti na lang at labing-pito pa lang siya. Kahit matinis ang kanyang boses ay hindi naman magtataka ang mga tao dahil hindi pa naman siya ganap na 'binata'.

Pero hindi nagtagal ay natuklasan din ng isa niyang kaklase ang kanyang palabas. Isinama siya nito sa kanilang punong maestro. Hindi na niya alam ang gagawin. Alam niyang pagpugot ng ulo ang kaparusahang ipapataw sa kanya. Wala ring magawa si Wang Shin. Hindi niya alam kung papaano tutulungan si Hyun-Ae. Alam nitong mabigat na kaparusahan din ang naghihintay sa kanya kapag nalaman na kasabwat siya nito.

"Punong maestro, gusto ko lang po ang matuto. Hindi po masama ang ginagawa ko. Ang tanging kamalian ko ay nagpanggap akong lalaki. Gusto ko lamang makapasok dito", pagsusumamo ni Hyun-Ae sa maestro.

"Pero alam mong malaking kaparusahan kapag ang isang babae ay pumasok sa eskuwelahan", sagot ng punong maestro. "Matalino ka pero wala tayong magagawa. Hindi mo dapat sinuway ang batas ng Hari".

"Pero kami rin ay may karapatan bilang tao.... Hindi ko maintindihan ang batas na ito. Gusto ko lamang umunlad ang aking isipan at makatulong sa ating mga kababayan kapag ako ay isang dalubhaha nang tulad ninyo", ang kanyang sinasabi habang umaagos ang luha.

Nakaramdam ng awa ang punong maestro pero alam niyang hindi ito patatawarin ng batas. Kamatayan ang parusa sa kanya.

"Sumunod ka sa akin. Ikaw ay ihaharap ko kay ama", ang sabi ng maestro. Atubili namang sumunod ang dalaga. Alam niya, wala na siyang magagawa magmakaawa man siya. Nalulungkot siya dahil maaaring hindi na niya muling makita ang ama at ina, pati na ang kapatid at si Wang Shin. 

Ilang saglit pa ay nasaloob na sila ng seojae ng ama ng punong maestro. Nakita nilang mataman itong nagsusulat, kaharap nito ang mga maliliit at malalaking kuwaderno. 

"Ama, siya ay aking estudyante", pakilala niya rito. "Isang babae".

Napatigil sa pagsulat ang matanda. Tumingin ito sa kanya. Siya naman ay yumukod, tanda ng paggalang. Tumutulo pa rin ang luha mula sa kanyang mga mata. Pero hindi na siya makapagsalita. Alam niya wala na siyang magagawa. 

"Bakit mo ito ginawa? Hindi mo ba alam na kamatayan ang iyong magiging parusa", tanong nito sa kanya. Maalumanay ang tinig.... nagdasal siyang sana ay maawa ito sa kanya. 

"Dahil ayaw ko pong tumandang mangmang...", sa mahina at paputul-putol na boses ay sinagot niya ang tanong ng matanda. "Hindi po ako sang-ayon sa batas na ito. Gusto ko rin pong maging malaya sa pag-aaral at mapaunlad hindi lang ng aking isipan kung hindi lahat ng mga babaeng aking matuturuan kapag ako'y naging isang dalubhasa".

Nagkatinginan ang mag-ama. Kung ang estudyanteng nakahuli sa kanya ay naikalat na ang pangyayari ilang saglit lang ay maaaring dumating na ang mga kawal. At dadalhin ang dalaga sa harap ng hari para pugutan ng ulo. 

"Bilisan mo ang pagsunod sa akin", ani ng matanda. "Sasama ka sa akin".

"Dadalhin ninyo na po ba ako sa Hari?", may takot na tanong ni Hyun-Ae.

"Hindi. Ako ay maglalayag sa ibang lugar. Isasama kita. Dadalhin kita doon sa aking pupuntahan", sagot nito. 

At siya ay sumunod, bitbit ang pag-asang sana ay matakasan niya ang kanyang kamatayan. 

Marami ilang pinagdaanang hirap bago tuluyang makatakas. Nakaramdam siya ng lungkot at pighati. Alam niya hindi na niya muling masisilayan ang lugar na kanyang kinalakhan ganun din ang mga mahal niya sa buhay. Ngunit hindi siya nakadama ng pagsisisi. Sa loob niya, tama ang kanyang paniniwala. 

Natanong din niya minsan ang matanda kung bakit siya tinulungang tumakas. Ayon dito'y hindi rin siya sang-ayon sa batas ng Hari.

Ilang araw ding paglalakbay sa dagat ang kanilang ginawa. Nakarating sila sa malayong lugar. Maraming isla. Magaganda ang tanawin. Asul ang napakalinis na dagat at malalaki at mayayabong ang mga puno sa paligid at  sa mga bundok. Maraming hayop, prutas at gulay. Kayumanggi ang kulay ng balat ng mga tao. Marahil ay dahil mainit ang panahon sa lugar na ito. 

Ayon sa ama ng kanyang maestro, nasasakupan ngayon ng mga Espanyol ang bansang ito. Marami ring pinapagbawal. Hindi sila maaaring mahuli ng mga Espanyol. Ipinagbabawal ng mga ito ang pagpasok ng mga banyaga. 

'Hindi bale', naisip niya. 'Dito ako magsisimulang muli. Sana ako ay hindi mahuli ng mga Espanyol. Sana ako'y  palarin....'



1982, Pilipinas

Ipinanganak ang isang batang babae....



Pagkatapos ng dalawampu't walong taon

"Gusto kong pumunta ng South Korea", ani ng isang babae sa kaibigan nito.

"Adik ka talaga ano?", sagot naman ng kaibigan. "Siguro Koreana ka nung past life mo", dagdag pa sabay tawa.

"Siguro...", tawa rin niya. "Oh ano sama ka sa 'ken next weekend?"

"Saan?", ganting tanong ng kaibigan. 

"Hiking tayo sa Sagada tapos mag-spelunking tayo. Magaganda ang mga caves dun", sagot niya.

"Hay naku pasaway ka talaga! Paalam ka muna!", iiling-iling na sagot ng kaibigan.

Ngumiti lang siya. Nag-iisip kung ano pa kaya ang puwede niyang gawin sa susunod na linggo... 

Hindi niya maintindihan pero gusto na talaga niyang pumunta sa South Korea.



Ang pangalan niya ay Ah-Lee.

No comments:

Post a Comment