Ang mga kuwento dito ay hindi lamang kuwento ng buhay ko. Ang mga ito'y kuwento ng buhay ng mga kaibigan, katrabaho, katunggali, kakilala... at mga kuwentong kathang-isip lamang. Naisipan ko lang isulat tutal nama'y noon pa ay pangarap ko nang maging manunulat. Sa kasamaang palad ay hindi ito natupad, hindi siguro para sa 'kin. Nakailang beses din akong nagpasa ng mga kuwento at nobela pero hindi pinalad. Hindi bale, malaya pa rin naman akong magsulat... may magbabasa man o wala.


Blog Archive

Saturday, October 30, 2010

sina Jaime at Jewel


Hindi pa rin ako maka-get over sa kuwentong pag-ibig nina Jaime at Jewel sa teleseryeng Kristine Series sa panulat ni Martha Cecilia. Naisip ko dahil siguro noon ko pa ito nabasa at tumatak talaga sa isipan ko ang kuwento nila. Akalain mo taong 1996 o 1997 ko pa yata nabasa ito, nasa hay skul pa lang ako. Wala pa akong masyadong alam tungkol sa mga lalaki lalo naman na ang tungkol sa pag-ibig. Naalala ko, nung mga panahong 'yun bumuo rin ako ng love story ko. 

Natatawa tuloy si Daye sa 'ken, isang katrabaho at kaibigan. Ayon sa kanya, mas cheesy pa daw ako ngayon kaysa sa kanya. Hindi daw siya sanay. Hindi daw bagay sa 'ken. Natawa lang ako. Totoo naman kasi. Hindi ako romantikong tao. 

Pero minsan dumarating sa 'tin ang maghanap ng ibang mapaglilibangan... yung magaan lang sa bulsa, hindi kailangan ng maraming oras o magpakalayu-layo, at hindi kailangan ng kasama. Tulad ng panonood. At madalas tungkol sa pamilya at pag-ibig ang topiko ng mga programa at teleserye, di ba?

At minsan, aminin man natin o hindi, kahit korni, cheesy o kahit anong tawag mo pa, kinikilig din tayo. At bumabalik sa mga isipan natin ang mga dating nakarelasyon, dating relasyon, kuwentong pag-ibig ng mga kaibigan at kung anu-ano pang may kinalaman sa pag-ibig. 

Sa akin, ang unang naiisip ko ay ang kuwento nina Jaime at Jewel. Lalo na ngayon na nasa telebisyon na. 

Sabi ko kailangang may maisulat ako tungkol dito. Ah oo nga pala. May naisulat na ako tungkol dito (sa post ko na may pamagat na 'teleserye at komento') kaya lang ay medyo negatibo. Gusto ko ang isusulat ko ngayon ay tungkol talaga sa kuwento nila. Yung positibo naman.

Narito ang buod ng kuwento nina Jaime at Jewel...

Dalawampung taon na ang nakaraan, sa bayan ng Paso de Blas ay nagsimula ang awayan ng pamilya Fortalejo at de Silva. Dahil ito sa pagtanggi ni Romano, ang panganay na anak nina Don Leon Fortalejo at Donya Kristine Esmeralda Fortalejo na maikasal kay Alicia, ang panganay naman ng mag-asawang Ernesto at Julia de Silva, na noo'y buntis na. Noong mga panahong iyon nasa apat o limang taong gulang pa lamang si Marco, ang kapatid ni Alicia. Hindi si Romano ang ama ng ipinagbubuntis ni Alicia kundi ang don na nagawang magtaksil dahil sa pang-aakit ni Alicia.

Si Romano naman ay nagmahal sa isang simpleng babae, si Ana. Tumakas ito mula sa ama para panagutan at pakasalan si Ana. Dahil dito'y itinakwil siya ng ama.

Dahil sa kahihiyang natamo ng pamilya de Silva, nagsimula ng away si Ernesto. Ngunit sa kasamaang palad, napatay ito ni Don Leon. At dahil dito ay nagsimulang gumanti ang pamilya de Silva. Pinatay ni Alfon, isang malayong kamag-anak, ang asawa ng don, si Esmeralda. Ngunit sa pangalawang pagkakataon ay namatayan ang pamilya de Silva, si Alicia.

Ito ang naging dahilan ng awayang de Silva at Fortalejo na umabot ng dalawang dekada. Ginawa lahat ni don Leon sa abot ng kanyang makakaya upang maging hari sa bayan ng Paso de Blas at kamkamin ang lahat ng ari-arian ng mga de Silva. 

Nagkaroon ng dalawang anak sina Romano at Ana, sina Emerald at Jewel. Pagkaraan ng dalawang dekada lumaki ang mga ito na magaganda. Sa kabilang banda si Marco na rin ang nag-aasikaso sa mga iilang negosyong natira sa mga de Silva. Pero sino naman si Jaime? Sasagutin ko mamaya.

Kinailangan ng magkapatid na Jewel at Emerald na pumunta sa bayan ng kanilang lolo pagkatapos mamatay ang kanilang ama at mabaon sila sa utang dahil sa gastos sa hospital. Hindi man gusto ng ina nilang si Ana, wala itong nagawa noong tumakas ang magkapatid patungong Paso de Blas.

Naunang umalis si Emerald. Pero nabihag siya ni Marco at dinala sa bahay nito. Dahil dito sumunod si Jewel, upang tiyaking nasa kaligtasan ang kanyang ate. Alam nito na hindi dapat mag-krus ang landas ng mga de Silva at Fortalejo, kahit nasa iisang bayan pa sila. Kapahamakan ang dala nito. Bawal tumapak sa lupain ng mga de Silva ang mga Fortalejo, ganoon din sa kabilang kampo.

Pagdating ni Jewel sa mansiyon ng mga Fortalejo, hindi ito agad tinanggap ng kanyang lolo. At sa kasamaang palad ay hindi nakarating ang kanyang ate sa mansyon. Noon niya nalaman na bihag pala ito ni Marco de Silva. 

Sa paghahanap niya sa kanyang ate at sa kagustuhang makapasok sa lupain ng mga de Silva na hindi siya makikilala bilang Fortalejo, nakilala niya si Jaime Reyes, tubong Negros na napadpad sa Paso de Blas upang maging trabahador. Nagpanggap silang mag-asawa kahit na noong umpisa ay para silang mga aso't pusa na laging nag-babangayan at nag-aaway.

Hindi naglaon naging kampante na rin sila sa isa't isa. Sa katunayan, mukhang may namumuo nang pag-ibig sa pagitan ng dalawa. Pero sa isipan ni Jewel ay hindi ito maaari. Kailangan muna niyang makita ang kanyang kapatid at masiguro ang kaligtasan nito. 

Hindi naglaon ay nagkita-kita rin sila. Noong mga panahong iyon ay nagkakamabutihan na sina Marco at Emerald. Pero sa kasamahang palad, nakulong si Emerald dahil sa kasalanang ibinibintang sa kanya. Pinatay raw umano niya si Cesar Zaragosa, ang may-ari ng isang asukarera na gustong bilhin ng mga de Silva. 

Para matulungan ang kanyang ate, pumasok siya bilang katulong sa mansiyon ng mga Fortalejo, kapalit ng pagtulong ng kanyang lolo upang mapalaya ang kanyang ate. Dahil hindi pa sila tanggap ng don, sumang-ayon ito sa kagustuhan ni Jewel at siya'y magsisilbi sa bahay hanggat hindi siya pinapalaya ng don.

Noon nagtapat si Jaime ng pag-ibig kay Jewel at sumama rito at nagtrabaho bilang drayber ng mga Fortalejo na di naglaon ay tinanggap din ni Jewel. Nakalaya nga ang kanyang ate ngunit nabaling sa ina ni Marco ang bintang. Kapalit ng mas magandang kulungan (house arrest) na hiniling ni Julia sa don ay ang pakikipaghiwalay ni Marco kay Emerald. Alam ni Marco na walang kasalanan ang kanyang ina at ang totoong nagpapatay dito ay si Margarita, anak mismo ng don. Nahati ang puso niya pero wala siyang magawa kundi ang sundin ang kanyang ina. Dahil dito ay nagalit ang dalagang Fortalejo at isinumpang hindi na kailanman niya mamahalin ang isang Marco de Silva. 

Dahilan nito upang silang magkapatid ay pareho nang manirahan sa bahay ng mga Fortalejo. Unti-unti ay napalambot nila ang kalooban ng kanilang lolo at sila'y tinanggap. Ngunit hindi tinanggap ng don ang pag-iibigan nina Jewel at Jaime. Ipinapakasal nito si Jewel kay Lance Navarro dahilan upang magtanan ang dalawa. 


Sa kabilang banda ay hindi pa rin makuntento si Julia. Gusto nitong makalaya lalo at nanganganib ang kanyang buhay dahil gusto siyang ipapatay ng asawa ni Cesar Zaragosa. Nakipag-usap siyang muli kay don Leon at sinabing buhay ang anak ni Alicia na anak ng don. Kapalit ng pagsabi ni Julia kung sino at nasaan ang anak ni Alicia ay ang pagbalik ng don ng mga ari-arian niya pati na rin ang kalayaan niya. 

At sino ang anak ni Alicia at don Leon? Si Bernard de Silva Fortalejo o ang nakilala nating si Jaime. Noong namatay si Alicia ibinigay ni Julia ang bata sa yaya nila upang itago. Pinalabas nitong namatay rin ito kasabay ni Alicia upang hindi na hanapin ng don. 

Pinahanap ng don ang magkasintahan bago pa man makalayo ang dawala sa Paso de Blas. At noon niya ipinagtapat kay Jewel kung sino si Jaime at kung bakit hindi sila maaaring magkatuluyan.

Tragic? Hindi naman. Dahil nalaman din naman na hindi tunay na Fortalejo si Jewel. Anak ito ng kapatid ni Ana na gaya ni Alicia ay namatay sa panganganak. Pero nalaman na lang ng lahat pagkatapos madisgrasya at magka-amnesia si Jewel. 

Ilang mga pagsubok pa ang pinagdaanan ng dalawa. Pero sa bandang huli ang pag-ibig din nila sa isa't isa ang nanaig....

Narito ang video (galing sa youtube) ng isa sa mga nakakakilig na eksena nina Jaime at Jewel:




Nakakakilig di ba? ^_^

wall sa facebook


Si Andy (hindi tunay na pangalan) ay kababata ko. Nasa pangalawang baitang pa lang kami sa elementarya ay magkaibigan na kami. At magkaibigang tunay, napatunayan na namin 'yan ng ilang beses kaya naman hanggang ngayon tropa pa rin kami. Walang iwanan.

Sa aming magkaka-barkada, siya ang bunso namin. Hindi sa kapanganakan ha? Pero sa takbo ng isip. Dahil mas madalas sa hindi isip bata siya. Pero huwag ka, mahal namin 'yan.

Kaya nga lang madalas naming pagsabihan. Minsan nakikinig, madalas hindi.

Nasa Estados Unidos ang isa naming kaibigan, si Dei (hindi tunay na pangalan) dahil nakapag-asawa ng Amerikano. Madalas ko siyang maka-chat sa internet. At minsan ay topic namin ang kaibigan naming si Andy. Hindi kasi namin alam kung paano ito pagsabihan. Hindi naman kasi siya dating bugnutin. Sa totoo lang ang dali niyang patawanin... dati.

"Kung bakit kasi kailangan pa niyang i-post ang lahat sa wall niya sa FB", sabi ni Dei.

"Oo nga eh... sarili lang niya pinapahiya niya...", sagot ko.

"Pagsabihan mo nga!", si Dei ulit.

"Hay naku, hindi na nakikinig 'yun sa 'ken", sagot ko.

Hindi kasi namin maintindihan ang takbo ng isip niya. At lalong hindi namin maintindihan kung bakit kailangang malaman ng buong mundo kung ano ang nasa isipan niya. Pati problema ng ate niya.

(Post 1) FB: Wall: What's on your mind?

ANDY: Hrmp! Ang kapal ng mga mukha nila! Mapupunta sila sa impiyerno! Hrmp!

Kaibigan 1: O bakit? Sino na naman kaaway mo?
Kaibigan 2: Cool ka lang, sis!
ANDY: Hay naku! Super kapal nila!
Ako: Tumahimik ka na diyan ha!
Kaibigan 3: Bakit galit ka na naman?
ANDY: Oo, nakaka-high blood kasi!
Ako: Isa pa ha? Tumigil ka na!
ANDY: Ang kapal ng mukha! Palamunin!

(Post 2) FB: Wall: What's on your mind?

ANDY: Hay naku! Nakakadismaya!

Kaibigan 1: Bakit?
Kaibigan 2: Ganyan naman talaga ang buhay eh...
Ako: Ano na naman bang drama 'yan? (pero binura ko, di ko na itinuloy...)

(Post 3) FB: Wall: What's on your mind?

ATE (ni Andy): Ooopppsss. You did it again!... whew hirap! LOL

Kaibigan (ni ate) 1: Kaya mo 'yan sis!
Kaibigan (ni ate) 2: Britney Spears ba 'to? LOL Kaya mo yan! Hope you will be ok soon....
ANDY (heto na): Lost his path for the second time? Hallerrrrr!!?? I don't think so!!!
Ako: Kumusta mare? Ano na'ng balita? =D
Ate (ni Andy): Thanks guys! =)

Ang hirap kasi nito, mas galit pa yata siya kaysa sa ate niya. Well, may mga ganyan talaga kaso minsan sumusobra na.... eh kung siya kaya balingan ng kaaway ng ate niya?

Ka-chat ko ulit si Dei...

"Nakausap mo na si Andy?", tanong niya. 

"Ka-text ko nung isang araw. 'Kaw?", balik tanong ko.

"Kausap ko ngayon pero sa message box lang niya. Hindi daw siya maka-online, sa cellphone lang niya", sagot naman ni Dei. "Gusto ko sana pagsabihan pero makikinig ba? Nakita mo na ba post niya sa wall ng ate niya?"

"Oo!", sagot ko. "Hay naku, hindi na natakot. Eh kung siya balingan ng asawa ng ate niya? Alam naman niyang sira-ulo 'yun".

"Sinabi mo....", pagsang-ayon naman sa akin ni Dei. 

"Teka, nag-text siya sa 'ken. Sagutin ko lang", ako ulit sabay sagot sa text ni Andy.

Heto ang text message: "Pag delayed ba ng 2 weeks malaki na possibility na buntis?"

Nagulat ako? Sinagot ko ang text message: "Bakit? Sinong delayed?"

Sumagot din siya: "Eh delayed ako ng 2 weeks eh".

Balik ako kay Dei....

"Hay naku! Kausapin mo si Andy ha? Delayed daw ng dalawang linggo! Naku! Babaing 'yun! Hindi pa natuto sa atin!", nakasimangot ako habang tinitipa ang keyboard. 

"Ano? Hayaan mo na. Mabuti na ngang mabuntis at nang matuto. Baka 'yung nasa album niya 'yung ama", sagot naman nito. 

"Saang album? Hindi ko pa nakikita",  sagot ko. Dahil layu-layo na kami (ako sa siyudad, si Dei sa Amerika at siya sa probinsiya), hindi pa namin nakikilala o nakikita man lang ang nobyo niya. "Matingnan nga".

Habang tinitingnan ko ang album ni Andy (kung nasaan nadun ang pictures ng nobyo niya malamang dahil ang album title ay 'Puso ko'), ka-chat ko pa rin si Dei.

"Mukhang tambay sa kanto", sabi ko.

"Yun din ang tingin ko", sagot niya. 


(Post 4) FB: Wall: What's on your mind?

ATE (ni Andy): :)

Kaibigan (ni ate) 1: =D
Kaibigan (ni ate) 2: Kumusta friend?
Andy: =/

Gusto kong sabihan... matuwa ka naman para sa kapatid mo. 

(Post 5) FB: Wall: What's on your mind?

ANDY: Banat para sa mga ex: Gusto kitang hanapin sa dictionary kaya lang naalala ko meaningless ka na pala! LOL

(thumbs up) Kaibigan 1 likes this 

Kaibigan 2: super like! ^_^
Kaibigan 3: LOL! Gusto ko! =)

Ok na rin. Kahit medyo negative pa rin at least nakatawa siya this time... Hindi galit.

Nasa good mood yata. Nagtext ako.

"Yan boyfriend mo ba eh ok? Baka naman tambay ha?"

"Guwapo naman", sagot niya. "Pareho kami, guwapo at maganda. Hehe!"

"Eh anong trabaho?", text ko ulit.

"Maghahanap pa lang", ang sagot. "Hindi naman puwedeng ako pa ang magpakain sa kanya balang araw ano!"

"Dapat lang", sagot ko. "San siya maghahanap ng trabaho?"

"Di gaya ng asawa ng ate ko! P*ksh*t siya! Kainis!", ang sagot niya.

"Hayaan mo na. So sa'n siya hanap work? I mean yang nobyo mo?", ang text ko ulit sa kanya. "Mabait ba naman?", dagdag ko pa.

"Nakakainis talaga yung lalaking 'yun! Palamunin!", ang sagot.

Napakunot ako ng noo. Naguluhan ako bigla. 

"Boyfriend mo palamunin? Naku ha!", sagot ko naman. 

"Hindi! Yung asawa ng ate ko!", text niya.

Ah ewan!!! =/


koreana

1782, Joseon (Korea)

"Annyonghi jumushipshiyo, ommonim. Mauuna na po akong pumasok sa aking chimsil", sa mahinang tinig ay paalam ni Hwang Hyun-Ae sa kanyang ina. Bago tuluyang umalis ay bahagya itong yumukod at dahan-dahang pumasok na kanyang silid. 

"Huwag mong kalimutang isara ang mga bintana sa iyong kuwarto", pahabol ng kanyang ina. 

"Araseumnida, omonim", pagsang-ayong sagot niya. At itinuloy na nga ang pagpasok sa silid. 

Inuna niyang isinara ang mga bintana ng kanyang silid. Baka makalimutan na naman niya gaya ng nangyari kagabi. Kagabi kasi'y dumalaw sa kanya si Wang Shin, ang kanyang kababata at kaibigang lalaki. Ngunit palihim lamang dahil hindi sang-ayon ang kanyang ama sa pakikipagkaibigan niya rito. Para sa kanyang ama hindi marangal para sa isang babae ang makipag-usap sa kung sinu-sinong lalaki. 

"Pero hindi kung sinu-sino lang si Wang Shin, aboji", naalala niyang sagot niya sa kanyang ama minsang pagalitan siya nito nang malaman nitong dumalaw sa kanya ang binata. "Galing siya sa mabuting pamilya, isang mabuti at mabait na tao. Masunurin, mapagmahal sa magulang... at nag-aaral sa bayan... sa isang magandang eskuwelahan".

"Alam kong galing siya sa magandang pamilya", sagot ng kanyang ama. "Hindi lang maganda kundi kahit papaano'y may kayamanan din sila. At doon ako natatakot, baka kung ano ang isipin ng kanyang mga magulang kapag nalamang nakikipag-kaibigan ka sa anak nila".

"Pero ama, ang paniniwala ko ay hindi sila ganoon dahil si Wang Shin ay -"

"Tumahimik ka na!" sigaw ng kanyang ama. Madalang itong magalit, hindi basta-basta umiinit ang ulo. Nakaramdam siya ng takot dahil ngayon lang niya ulit naranasang masigawan ng kanyang ama. 

'Si Wang Shin ay pinalaki nilang mabuting tao', gusto sana niyang sabihin pero hindi na itinuloy. Bagkus siya ay tumahimik na lang. Hindi niya gustong magkasamaan sila ng loob ng ama.

Paminsan-minsan palihim itong pumupunta sa bahay nila, sa kanyang kuwarto. Layu-layo ang mga kabahayan sa kanilang lugar kaya malayong may makakita sa kanila. Kakatok ito ng mahina saka siya tatayo upang pagbuksan ng bintana. Hindi niya bubuksan ang ilaw, baka makahalata ang kanyang ama at ina.

"Kaibigan, mabuti't dinalaw mo akong muli", pagbati niya rito.

"Siyempre ay hindi kita makakalimutang dalawin kapag ganitong ako ay nasa bakasyon mula sa eskuwelahan", sagot naman nito.

"Kumusta ang iyong pagpapaka-dalubhasa?", tanong niya. "Saglit, may dala ka ba para sa akin?"

"Mabuti naman, minsan ay nawawalan ng gana. Gusto ko lang sanang mamasyal pero hindi maaari dahil kailangang mag-aral. Para akong preso kapag nasa eskuwelahan. Gusto ko sanang makapaglibot man lang", sagot ng binata habang palakad-lakad sa loob ng kuwarto. 

"Huwag kang mag-biro ng ganyan Wang Shin", daing ni Hyun-Ae. "Mabuti nga at ikaw ay may karapatang mag-aral samantalang ako...", patuloy niya.

Napatingin ang binata rito. Napangiti. 

"Huwag ka ng malungkot. May regalo ulit ako sa 'yo", at ibinigay niya rito ang isang maliit na kwaderno kung saan nakasulat ang kanyang mga pinag-aralan sa eskuwelahan. 

"Ginawan kita, tig-isa tayo. Alam kong magugustuhan mo", sabi pa. 

Umaliwalas ang mukha ni Hyun-Ae. "Salamat! Napakagandang regalo nito. At salamat ulit sa pagturo mo sa akin kung paano ang magbasa at magsulat".

Saglit pa'y binabasa na niya ang mga nakasulat dito. Halos makalimutan na niyang nasa harap lang niya ang kaibigan, matamang nakatingin lang sa kanya. Naliligayahan sa nakikitang tuwa ng kanyang pinakamamahal. Sayang at hindi pa niya masabi ang pag-ibig niya rito. 

"Gusto kong pumasok sa inyong paaralan", bigla ay sabi ni Hyun-Ae.

"Ikaw naman ang nagbibiro ngayon", sagot ng binata. "Alam mong hindi pinapayagan ang mga babaeng mag-aral. Pupugutan ka ng ulo", dagdag pa nito.

"Pero hindi nila malalaman. Magpapanggap akong isang lalaki", seryosong sagot niya. "Hindi ako nagbibiro Wang Shin".

Nhakita ni Wang Shin na seryoso nga ang dalaga. Kinabahan siya. Alam niyang tototohanin ni Hyun-Ae ang sinasabi nito. Palaban si Hyun-Ae, maprinsipyo. Nakailang beses na ba nitong sinuway ang ama kapag may gustong gawin lalo na kung sa tingin niya'y wala namang masama o di kaya'y iba sa kanyang paniniwala?

"Bakit hindi maaaring mag-aral at magpakadalubhasa ang mga babae? Kami ay nilalang din ng Diyos, dapat ay may laya rin kaming gawin ang mga bagay na gusto naming gawin... gaya ng pag-aaral", dagdag pa nito. "Kaya papasok ako sa eskuwelahan mo, Wang Shin, bilang isang lalaki".

At wala ngang nagawa si Wang Shin. Itinuloy ni Hyun-Ae ang balak. Sa sumunod na luwas ng binata sa bayan kasama na niya ni Hyun-Ae na tumakas mula sa kanyang mga magulang. Nakasuot ito ng panlalaki na kinupit mula sa nakababata nitong kapatid. 

Nakapasok siya ngunit hindi naging madali. Ilang beses na rin siyang muntikang nahuli. Buti na lang at labing-pito pa lang siya. Kahit matinis ang kanyang boses ay hindi naman magtataka ang mga tao dahil hindi pa naman siya ganap na 'binata'.

Pero hindi nagtagal ay natuklasan din ng isa niyang kaklase ang kanyang palabas. Isinama siya nito sa kanilang punong maestro. Hindi na niya alam ang gagawin. Alam niyang pagpugot ng ulo ang kaparusahang ipapataw sa kanya. Wala ring magawa si Wang Shin. Hindi niya alam kung papaano tutulungan si Hyun-Ae. Alam nitong mabigat na kaparusahan din ang naghihintay sa kanya kapag nalaman na kasabwat siya nito.

"Punong maestro, gusto ko lang po ang matuto. Hindi po masama ang ginagawa ko. Ang tanging kamalian ko ay nagpanggap akong lalaki. Gusto ko lamang makapasok dito", pagsusumamo ni Hyun-Ae sa maestro.

"Pero alam mong malaking kaparusahan kapag ang isang babae ay pumasok sa eskuwelahan", sagot ng punong maestro. "Matalino ka pero wala tayong magagawa. Hindi mo dapat sinuway ang batas ng Hari".

"Pero kami rin ay may karapatan bilang tao.... Hindi ko maintindihan ang batas na ito. Gusto ko lamang umunlad ang aking isipan at makatulong sa ating mga kababayan kapag ako ay isang dalubhaha nang tulad ninyo", ang kanyang sinasabi habang umaagos ang luha.

Nakaramdam ng awa ang punong maestro pero alam niyang hindi ito patatawarin ng batas. Kamatayan ang parusa sa kanya.

"Sumunod ka sa akin. Ikaw ay ihaharap ko kay ama", ang sabi ng maestro. Atubili namang sumunod ang dalaga. Alam niya, wala na siyang magagawa magmakaawa man siya. Nalulungkot siya dahil maaaring hindi na niya muling makita ang ama at ina, pati na ang kapatid at si Wang Shin. 

Ilang saglit pa ay nasaloob na sila ng seojae ng ama ng punong maestro. Nakita nilang mataman itong nagsusulat, kaharap nito ang mga maliliit at malalaking kuwaderno. 

"Ama, siya ay aking estudyante", pakilala niya rito. "Isang babae".

Napatigil sa pagsulat ang matanda. Tumingin ito sa kanya. Siya naman ay yumukod, tanda ng paggalang. Tumutulo pa rin ang luha mula sa kanyang mga mata. Pero hindi na siya makapagsalita. Alam niya wala na siyang magagawa. 

"Bakit mo ito ginawa? Hindi mo ba alam na kamatayan ang iyong magiging parusa", tanong nito sa kanya. Maalumanay ang tinig.... nagdasal siyang sana ay maawa ito sa kanya. 

"Dahil ayaw ko pong tumandang mangmang...", sa mahina at paputul-putol na boses ay sinagot niya ang tanong ng matanda. "Hindi po ako sang-ayon sa batas na ito. Gusto ko rin pong maging malaya sa pag-aaral at mapaunlad hindi lang ng aking isipan kung hindi lahat ng mga babaeng aking matuturuan kapag ako'y naging isang dalubhasa".

Nagkatinginan ang mag-ama. Kung ang estudyanteng nakahuli sa kanya ay naikalat na ang pangyayari ilang saglit lang ay maaaring dumating na ang mga kawal. At dadalhin ang dalaga sa harap ng hari para pugutan ng ulo. 

"Bilisan mo ang pagsunod sa akin", ani ng matanda. "Sasama ka sa akin".

"Dadalhin ninyo na po ba ako sa Hari?", may takot na tanong ni Hyun-Ae.

"Hindi. Ako ay maglalayag sa ibang lugar. Isasama kita. Dadalhin kita doon sa aking pupuntahan", sagot nito. 

At siya ay sumunod, bitbit ang pag-asang sana ay matakasan niya ang kanyang kamatayan. 

Marami ilang pinagdaanang hirap bago tuluyang makatakas. Nakaramdam siya ng lungkot at pighati. Alam niya hindi na niya muling masisilayan ang lugar na kanyang kinalakhan ganun din ang mga mahal niya sa buhay. Ngunit hindi siya nakadama ng pagsisisi. Sa loob niya, tama ang kanyang paniniwala. 

Natanong din niya minsan ang matanda kung bakit siya tinulungang tumakas. Ayon dito'y hindi rin siya sang-ayon sa batas ng Hari.

Ilang araw ding paglalakbay sa dagat ang kanilang ginawa. Nakarating sila sa malayong lugar. Maraming isla. Magaganda ang tanawin. Asul ang napakalinis na dagat at malalaki at mayayabong ang mga puno sa paligid at  sa mga bundok. Maraming hayop, prutas at gulay. Kayumanggi ang kulay ng balat ng mga tao. Marahil ay dahil mainit ang panahon sa lugar na ito. 

Ayon sa ama ng kanyang maestro, nasasakupan ngayon ng mga Espanyol ang bansang ito. Marami ring pinapagbawal. Hindi sila maaaring mahuli ng mga Espanyol. Ipinagbabawal ng mga ito ang pagpasok ng mga banyaga. 

'Hindi bale', naisip niya. 'Dito ako magsisimulang muli. Sana ako ay hindi mahuli ng mga Espanyol. Sana ako'y  palarin....'



1982, Pilipinas

Ipinanganak ang isang batang babae....



Pagkatapos ng dalawampu't walong taon

"Gusto kong pumunta ng South Korea", ani ng isang babae sa kaibigan nito.

"Adik ka talaga ano?", sagot naman ng kaibigan. "Siguro Koreana ka nung past life mo", dagdag pa sabay tawa.

"Siguro...", tawa rin niya. "Oh ano sama ka sa 'ken next weekend?"

"Saan?", ganting tanong ng kaibigan. 

"Hiking tayo sa Sagada tapos mag-spelunking tayo. Magaganda ang mga caves dun", sagot niya.

"Hay naku pasaway ka talaga! Paalam ka muna!", iiling-iling na sagot ng kaibigan.

Ngumiti lang siya. Nag-iisip kung ano pa kaya ang puwede niyang gawin sa susunod na linggo... 

Hindi niya maintindihan pero gusto na talaga niyang pumunta sa South Korea.



Ang pangalan niya ay Ah-Lee.

teleserye at mga komento

Kung noon ay na-adik ako sa mga Korean telenovelas, ngayon naman ay na-adik ako sa isang Pinoy teleserye. "Tangkilikin ang sariling atin" ika nga. Hango ito sa nobela na nabasa ko noong nasa hay skul pa ako. Nagtaka nga ako kung bakit ngayon lang nila nabigyang pansin ang nobelang ito eh at ngayon lang nila ginawang teleserye.  Mahilig man akong magbasa, hindi tungkol sa pamilya o romansa... maliban sa nobelang ito. Maiikling nobela lang naman ang bawat istorya. At hindi lang ito isang kuwento kundi marami. Sa katunayan limampu't tatlong nobela ito kung hindi ako nagkakamali. Hindi ko rin alam kung nabasa ko na lahat ang mga ito o hindi pa. Basta ang sigurado ako ay nabasa ko na ang kuwento ng apat na bida (dalawang kuwento ng pag-ibig - naks!).

Ang mga pangunahing bida (sa teleserye) ay sina Jaime (Bernard sa libro), Jewel, Emerald at Marco. Kuwento ito ng dalawang magkalabang angkan na umabot ang awayan ng dalawang dekada at ang masalimuot na pag-iibigan ng mga apat na bida.

Pero hindi tungkol dito ang kuwento ko ngayon kundi tungkol sa mga komentong nabasa ko habang pinapanood ko ang teleserye sa youtube. Sa gabi ang pasok ko kaya dito na lang ako nakakapanood pagdating ko sa umaga. 

Ang isang nabasa ko ay: 

Grabe! Ang guwapo talaga ni papa Marco! At ang ganda ni Emerald! Bagay sila!

*Tandaan: ang mga ito ay hindi eksaktong hango sa mga komentong nabasa ko (sa sobrang dami ay kinuha ko na lang ang importanteng mensahe).

At ito pa: Ang guwapo ni Marco at ang ganda ni Emerald. Ang galing pa nilang umarte!

Ang ganda ng buhok ni Emerald at ang ganda ng katawan ni Marco!

I love you Marco and Emerald!

Ang galing-galing nina Marco at Emerald! Kinikilig ako!

Sana katulad ni Marco maging asawa ko!

Grabe! May chemistry talaga silang dalawa! (Patungkol sa mga gumanap na Emerald at Marco)

At marami pang ibang komentong puro magaganda tungkol sa magkaparehang ito. 

Pero ang napansin ko madalang ang magandang komento tungkol sa isa pang pareha. Mas madalas nga ay masasamang komento pa. Gaya ng mga 'to:

Ano ba yan? Wala talaga silang chemistry! (Patungkol sa mga gumanap na Jaime at Jewel)

YUCK! Kadiri nung naghalikan sila!

Wala man lang akong madamang kilig kina Jaime at Jewel!

Hay naku! Hindi talaga siya marunong umarte! (Patungkol sa gumanap na Jewel)

Bakit ganun? Hindi ako kinikilig kina Jaime at Jewel! Ang boring nila! 


Magpaka-smart ka naman, Jewel! 

At maraming pang iba...

Napaisip tuloy ako... May mali ba sa 'ken? Kase kabaliktaran naman ng lahat. Para sa 'kin, hindi ko naman masyadong nagugustuhang panoorin kung eksena na nina Emerald at Marco. Hindi sa ayaw ko sa kuwento nila. Sa katunayan ang sa kanila ang isa sa mga paborito ko sa lahat ng mga nobela. Hindi rin naman dahil hindi ko sila idolo bilang mga aktor dahil kahit naman ang mga gumanap na Jaime at Jewel ay hindi ko naman iniidolo. Sa katunayan, wala akong idolong kahit sino. Hindi naman kase ako mahilig sa artista. Mahilig nga lang manood....

Pero naisip ko rin, wala naman sigurong mali sa 'kin. May kanya-kanya naman kasi tayong gusto at paniniwala. Ako, mas gusto kong panoorin ang mga eksena nina Jaime at Jewel. Mas nakakakilig para sa 'kin. Mas simple. Walang masyadong korni na linya... Pinaka-ayoko kasi 'yung mga linyang gaya ng mga ito:

Ikaw ang magiging ina ng mga anak ko.

Ako ay apoy at ikaw ay hangin na may kakayahang bumuhay at pumatay sa akin...

Everyday I have to let my feelings out kung hindi sasabog ako... 

At iba pa.

Ok. Sige. Marami ngang kinikilig kaya lang hindi ko lang talaga gusto ang mga ganung linya. Hindi ko alam kung bakit. 

Mas gusto ko ang mga simple. Gaya nito:

Ikaw ang pinakamagandang babae na nakita ko. 

O di naman kaya:

Mahal na mahal kita.

Ganun lang, tama na sa 'kin. Simple.

Pero kanya-kanya nga talaga tayo ng gusto. Naglagay nga rin ako ng komento kasi may nabasa akong humihingi ng paumanhin dahil hindi daw niya madama ang kilig kina Jaime at Jewel. Ang sabi ko:

Wag kang mag-sori kung yan ang nararamdaman mo dahil lahat naman tayo ay may kanya-kanyang gusto. Madalas sa hindi, kung ayaw mo talaga sa isang tao kahit anong gawin nito hindi mo makikita ang maganda sa kanya. Makita mo man matatabunan pa rin ng pagka-ayaw mo rito. Sa kabilang banda kung gusto mo naman ito, kahit anong pagkakamali gugustuhin mo pa rin at makakahanap ka pa rin ng rason para gustuhin siya. 

Tsaka dagdag ko pa:

Minsan 'yung kulang sa iba, tama na para sa iba... At yung ok na ok na sa 'yo, OA na OA naman para sa 'kin....

Tama ako di ba? Kaya lang naisip ko rin wala ba talaga taga-hanga sina Jaime at Jewel? Wala man lang ba silang fans club? Dahil madalang akong makakita ng magandang komento tungkol sa kanila. Pero mukhang meron naman dahil may nahanap naman akong ibang videos nila... Halos wala nga lang komento. At least ay may nag-post ng videos.


Sobrang dami ng mga magagandang komento tungkol kina Marco at Emerald. Halos pare-pareho lang naman ang mga 'to. At galing sa mga pare-parehong tao rin. Haay... 


Minsan nga nagko-komento rin ako, pero ng kung anu-ano lang. Gaya nito:


Naririnig niyo ba 'yung naririnig ko? Tunog ata yun ng tricycle... o di kaya jeep. Eh di ba nasa mansiyon sila? Haha! =D


Ay ano ba yan? Naririnig niyo ba yung mga asong tahul ng tahol? Nadi-distract tuloy ako... =)  


Nilalagyan ko pa talaga ng smiley.


Wala lang. Tingnan ko lang kung may papansin sa 'kin.... Wala.

Pero nung dumalang na ang eksena nina Marco at Emerald, dumalang na rin ang komento. 


At mukhang tinatamad na rin ang nag-a-upload dahil hindi na siya simbilis ng dati sa paglagay ng videos sa youtube. Pero noon naisip ko rin, ang galing naman at ang tiyaga ng nag-a-upload ng mga ito sa youtube. Napa-Grabe! din tuloy ako. Tiningnan ko tuloy ang channel niya... 

Tama ako. Fan nga nina Emerald at Marco!

Friday, October 29, 2010

totoo kaya ang multo?

Araw ng mga patay na naman. Sayang, hindi ako makakauwi kase may trabaho ako. Hindi bale, maiintindihan naman siguro ako ng tatay at mga kamag-anak kong pumanaw na kung hindi ako makakadalaw sa mga puntod nila.

Naalala ko nung kabataan ko - hay skul. Marami kaming kalokohan ng mga barkada ko, lalo na pagdating ng araw ng mga patay. Nariyang manguha kami ng mga prutas sa kapitbahay namen... ng walang paalam o di naman ay tumambay sa sementeryo... buong magdamag. At tungkol dito ang kuwento ko ngayon tutal at ilang araw na lang ay araw ng mga patay na. 

"Mambiktima tayo", sabi ko sa tatlo kong kaibigan, sina Andy, Ryan at Dei (mga hindi totoong pangalan)

"Biktimang ano?", tanong-sagot ni Dei. "Ano na naman 'yan?", dagdag pa niya.

"G*g* ka, 'wag yun", sabad naman ng Ryan.

Ngumisi lang ako saka nilibot ng mata ko ang paligid ng sementeryo, naghahanap kung may kakilala sa mga iilang taong naiwan sa sementeryo. Siguro bandang alas-onse na 'yon. 

"Huy, ano 'yan? 'Wag na uy! Natatakot ako", sabi ni Andy.

"Kaw naman, parang ngayon mo lang gagawin 'to", sagot ko. "Ilang beses na naten to ginawa eh". Muli tiningnan ko ang mga tao. Saka ko napansin ang tatlong kabataan, isang lalaki kasama ang malamang ay nobya dahil magkahawak sa kamay at isang pang babae na malamang ay kunsintidorang kaibigan ng mga ito. Sina Rex, Maan at Leah (hindi rin nila totoong pangalan). 'Dito pa nag-date', naisip ko. 

Nauna na akong lumapit sa mga ito, sumunod naman ang mga kaibigan ko, kahit hindi na mapakali si Andy. Matatakutin lang talaga kase... pero mas takot yata sa 'ken (haha!)

"Hoy, dito pa kayo nag-date ah!", sabi ko sa kanila. "At kaw naman nag-chaperon ka pa. Sumbong ko kaya kayo sa mga nanay niyo".

"Ate naman 'wag", sagot ng Rex. "Kaw talaga. Kayo nga eh andito pa eh. Naghihintay kayo date niyo no? O baka naman ininjan na kayo?", tawa nito.

"Ulul!. Sumasagot ka pa. Sige, para di namen kayo isumbong, may gagawin tayo", sagot ko. 

"Wag kayong papayag!", sabad ni Andy... na tiningnan ko ng masama (natakot yata, hindi na umimik pagkatapos). 

"Ano na naman 'yan?", tanong nila.

"Kuring kuring", sagot ko.

"Ha? Ano 'yun? Sinong susulatan naten? Mga puntod?", tanong pa nila (ang kuring kase ay ilokano ng pagsulat na hindi mabasa).

"Tanga, hinde. Laro 'yun, nakakatakot na laro", sagot naman ni Ryan.

"Naku ayoko, nakakatakot pala eh", sagot ni Maan, ang nobya ni Rex.

"Sige, isumbong namin kayo. Mas matakot ka sa tatay at nanay mo", sagot ko naman. 

"O sige, sige. Ano 'yan? Multo? Hindi naman ako naniniwala diyan eh", pagtatapang-tapangan naman ni Rex na nakakuha ng irap mula kay Maan.

"Tapang! Eh di umpisahan na naten", sabad naman ni Dei, ang pinakamatapang sa aming lahat.

"Ano ba kase 'yan? Baka mapahamak tayo", sabi ni Maan sabay kapit sa braso ni Rex na mukhang nag-eenjoy naman sa paghawak ng mahigpit ng nobya sa kanya. Naawa lang ko dun sa isa, kay Leah kase wala na ngang date 'tas mukhang takut na takot pa. 

"Umuwi na ang may ayaw. Puwera 'kaw Rex kase mukhang matapang ka naman, ituloy mo na", sabi ko. Ang kaso natakot din naman umuwi sina Andy at Leah dahil ayaw maglakad sa gitna ng sementeryo na silang dalawa lang. Si Maan naman ay ayaw siyempreng iwan ang nobyo. 

"O eh di umpisahan na", si Ryan. At saka ko sinabi kung ano ang gagawin namen.

"Eto ang mechanics ha? Huwag kayong matakot kase hanggat magkakahawak ang mga kamay naten hindi tayo maaano, walang mangyayaring masama sa 'ten. Kaya bawal ang humiwalay, hawak kamay lang. At bawal idilat ang mga mata, pikit lang ng mariin. Kung hindi baka saniban ka ng kaluluwa", seryosong sabi ko. 

"Ano? Sasaniban?", gulat na tanong ni Rex, mukhang namutla pa sa takot. "Huy, totoo ba 'yan?".

"Totoo kaya makinig kang mabuti!", sagot ko. "O, wala ng back out, ako mapapahamak kase ako ang masasaniban, kawawa naman ako pag nagalit sa 'ken yung multo", dagdag ko pa.

"Ano ba 'yan, natatakot na ako", sabi nina Maan at Leah, nakasimangot naman si Andy.

 "Basta hindi kayo dapat magkahiwa-hiwalay, hawak kamay lang at bawal dumilat kung ayaw niyo mapahamak", sagot ko. "O sige na puwesto na. Ryan, kuha ka na ng kandila at ilagay mo sa bawat sulok naten".

At pumuwesto na nga kami, sa may malaki-laking puntod, mga magkakamag-anak sigurado ang mga nakalibing dahil dikit-dikit ang mga ito. Malayu-layo kame sa mga iilan nang nasa sementeryo pa (ang iba ay busy sa kani-kanilang date kaya mga walang pakialam sa iba). Kumuha naman si Ryan ng mga kandila, nakahanap ng mga hindi naupos at inilagay sa bawat sulok ng puntod at isa sa gitna namen habang nakapuwesto kame ng pabilog.

"Manonood na lang ako", sabi ni Leah, mukhang di pa ag-uumpisa ay takut na takot na.

Ngumisi ako, sabay sabing "gusto mo 'kaw saniban?"

"Ay ganun ba... sige sali na ako", atubili pa rin nitong sagot. 

Tumingin ako sa magnobyo, mga mukhang takot rin, hindi nga lang makapag-back out. 

Sa isang tabi ko ay si Dei na katabi naman ni Ryan na katabi nito si Andy. Sa kabila, katabi ko si Rex na katabi siyempre si Maan na katabi si Leah na katabi si Andy (kuha? hehe)

"Pag nagtanong 'yung kaluluwa, sumagot kayo ha? O sige umpisa na, hawak kamay", sabi ko sabay hawak sa kamay ni Rex at Dei, na sinundan naman nila. "Pikit na", dagdag ko. 

Pumikit naman sila... sina Rex, Maan at Leah, Pero kaming apat ay nanatiling dilat, nagkatininginan at nagngitian. Maliban na lang kay Andy na mukhang bad trip na sa 'men, lalo na sa 'ken.

"Kuring-kuring....", sabi ko. "Kuring-kuring...." nakailang beses kong inulit hanggang sa paunti-unti ay nanginginig na ang boses ko... boses na nakakatakot. Humigpit ang hawak sa 'ken ni Rex, halos mabali yata ang mga daliri ko sa higpit. Ganun din sina Maan at Leah. Lalo yata tuloy nagalit sa 'ken si Andy dahil sa sakit ng pagkahawak ng kamay ni Leah sa kanya. Napangisi lang ako sabay belat kay Andy. 

Tumayo naman sina Ryan at Dei, dahan dahan lang, baka makahalata ang tatlo.  

"Sino kayo?", sabi ko... sa nanginginig pa rin na boses. "Kaw lalaki, sino ka?", dagdag ko. "Bakit ka nakahawak sa 'kin. Bitawan mo ako!", sabay hila sa kamay ko. Mukhang masunurin naman si Rex, hindi niya binitawan ang kamay ko, lalo pa ngang hinigpitan. Napangiwi naman ako sa sakit, lalo at may singsing akong suot. 

Kaso hindi sumagot kaya inulit ko. "Sino ka?", ulit ko, mas malakas na ang boses.

"Rex po", nanginginig na sagot nito, halos mabali ang leeg sa pagyuko. Tiningnan ko ang mukha, mariin ang pagkakapikit ng mga mata. Napangiti ako.

"Sino ang nobya mo?", tanong ko ulit.

"Si Maan po", sagot niya. 

"Eh bakit ang balita ko ay nililigawan mo rin si Samantha ?" (hindi rin tunay na pangalan), sabi ko.

"Naku hindi po!", sagot naman nito agad, mukhang defensive. Noon napangiti si Andy. Sa isip-isip ko, sa sobrang takot kahit non-sense na tanong sinasagot. Malay ba naman ng multo kung sino siya. 

"Ikaw babae, ikaw ba si Maan?", ako ulit. 

"Ha? Opo ako nga po", sagot naman nito. Mukhang hindi kasing takot ni Rex pero mariin ring nakapikit.

"At naniniwala ka naman dito?", tanong ko. Hindi umimik, sumimangot pa yata. 

Si Ryan naman at Dei nagsimula na. Hinawakan ang mga braso nila... leeg... yung magaan lang. Mukha naman silang natakot dahil napayuko silang lahat. O di kaya'y hihinga sa may tainga nila para akalain nila ay may katabi silang "iba". Akala ko nga ay hihimatayin na si Leah sa nerbiyos dahil nanlalamig na daw nung hinawakan ni Ryan ang kamay. 

Hinipan ni Dei ang pisngi ni Rex na lalo pang yumuko. Pinaka-enjoy takutin si Rex kase siya ang mukhang pinakatakut na takot. Sayang kulang mga gamit namen. Wala kaming pabango ng matatanda na ipapaamoy sa mga biktima... o di kaya pinto o bintana na kunwari'y biglang magsasara....

"Ikaw naman Leah di ba may gusto ka rin kay Rex? Ba't chaperon ka lang ngayon?", baling ko kay Leah na hindi naman nakahalata sa sobrang takot. 

"Ho? Hindi ho!", sagot nito. Siyempre gawa gawa ko na lang 'yun. Wala na akong maisip na tanungin sa kanila eh. Para lang magtagal pa ang laro. Sige lang sa pananakot sina Dei at Ryan. 

"Kunwari ka pa..", sagot ko. Mukhang galit na si Maan kase nag-iba ng puwesto, pero hindi bumitaw sa mga katabi.

Inulit ko ulit ang pagsabi ng "kuring-kuring" sa mas malakas na boses at sinubukan ko ulit bitawan si Rex pero ayaw talagang bumitaw. Sinubukan ring bitawan ni Andy si Leah, pero hinigpitan din ang hawak sa kanya. 

Napahagikhik si Andy pero sinuway ko naman agad. Kaso mukhang nakahalata na si Maan, idinilat ng dahan dahan ang mga mata.

"Hoy! Ba't kayo nandiyan?", tanong nito kina Ryan at Dei, na abala kina Leah at Rex. "Sinasabi ko na nga ba!"

Nagkatinginan kami saka napabunghalit sa tawa. Dumilat naman na ang dalawa. 

"T**n*, kala ko na totoo. Nagmukha naman kaming tanga nun!", sabi ni Rex, mukhang naiinis na natatawa rin. "Mga g*g* kayo ah!", dagdag pa nito.

"Eh kase mga utu-uto kayo", sagot ni Ryan. At muli kaming nagkatawanan. "Huuu... ang bilis mong sumagot sa mga tanong ah", kantiyaw nito kay Rex.

"Sira!", sagot nito. "O baka naman naniwala ka sa mga 'to sa mga pinagsasasabi?", baling niya sa nobya.

"Aba! Malay!", sagot nito. 

"Tingnan niyo ginawa niyo. Kayo talaga!", sisi nito sa 'men. Natawa lang kami. 

"Nakakatawa nga kayo eh! Sobrang sakit na ng kamay ko sa higpit ng hawak mo, Rex! Tsaka wala talaga gusto senyo humiwalay", tawa ko. 

"Todo pikit pa kamo!", sabi naman ni Dei, hindi matapus-tapos ang tawa.

"O siya, sige, gabing-gabi na. Uwian na!", sabad ni Andy at nagsitayuan na nga kami. 

"Sino 'yun?", biglang tanong ni Maan, nakatingin sa mas mataas na bahagi ng sementeryo (bundok kase yung sementeryo sa 'men kaya pataas).

"Alin?", tanong namen sabay tingin sa tinitingnan ni Maan, mukhang matandang lalaki na nakasuot ng sombrero. "Ah ewan, hindi ko mamukhaan, masyado ng madilim", sagot ni Ryan.

"Tapang ah, mag-isa lang siya dun", sabi ni Dei. "Sige tara na".

"Uy! Asan na 'yun? Ba't biglang nawala?", sabi ulit ni Maan. 

"Hoy! Ano ka ba? Nananakot? Gantihan ba 'to ha?", sagot ko pero hindi ko rin napigilang tumingin din. Wala na nga

"Huy, tara na...", sabad ni Andy. "Natatakot na 'ko..."

At bumaba na nga kami habang nagkakantiyawan pa rin. 

Pero bago kami makalayo ay napatingin ulit si Maan sa loob. Nagulat na lang kami nang sumigaw ito.

"Bakit?!", tanong namen sabay tingin sa loob. Noon namin napansin malapit sa may gate ang isang matandang lalaki na nakasuot ng sombrero, kapareho ng nakita namin sa loob... nakatayo lang... hindi namin makita ang mukha....

Sigaw kami sabay takbo - sa sobrang tulin ilang minuto pa lang ay nakarating na kami sa bahay nina Dei na mga sampu hanggang kinse minutos din dapat lakarin. 

At yun ang pinakahuli naming laro ng "kuring-kuring".... =D